
NI NERIO AGUAS
Muling inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese fugitive na nagtangkang muling pumasok sa bansa sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang Enero 5.
Ayon sa ulat na ipinadala ni Dennis Alcedo, pinuno ng BI’s Border Control and Intelligence Unit kay BI Commissioner Norman Tansingco, kinilala ang nasabing dayuhan na si Chen Yiye, 48-anyos, na dumating sa bansa sakay ng China Southern flight mula China sa NAIA Terminal 1.
Nabatid na nang dumaan sa immigration counter ang dayuhan at ipinakita ang pasaporte nito ay lumabas na kabilang ito sa BI’s blacklist at natuklasan na itinuring itong fugitive at may deportation case laban dito na inilabas noong 2017.
Sa record ng BI, Agosto 2016 nang maaresto si Chen sa Angeles City, Pampanga matapos na makumpiska dito ang 36.58 kg ng methamphetamine hydrochloride o mas kilalang shabu, na may tinatayang halagang P100 milyon.
“These fugitives have no place in our country. Hence he will be deported, and with his name included in our blacklist, he will be barred from returning to the Philippines,” ayon pa kay Tansingco.
Kasalukuyan nang nakakulong sa BI’s warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig si Chen habang inihahanda ang mga dokumento para sa tuluyang pagpapatapon dito pabalik ng China.