Pagtatalaga kay Sec. Galvez sa DND suportado ng kongresista

Rep. Mujiv Hataman

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng suporta ang isang kongresista sa pagkakatalaga kay Peace Process Adviser Sec. Carlito “Charlie” Galvez Jr. bilang bagong kalihim ng Department of National Defense (DND).

“Ikinagagalak natin pagkakahirang ni Peace Process Adviser Sec. Carlito “Charlie” Galvez Jr. bilang bagong kalihim ng Department of National Defense, isang napakahalagang responsibilidad lalo na sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ating bansa,” ayon kay Basilan Rep. Mujiv Hataman.

Aniya, tiwala ito sa kakayahan ni Galvez na kayang pamunuan ang DND at malaki ang maitutulong sa usaping pangkapayapaan.

“Naniniwala tayo na ang solido at matagal na karanasan ni Sec. Galvez sa usaping pangkapayapaan ay makakatulong ng malaki sa paggampan ng kanyang bagong tungkulin, mandato at responsibilidad. Ang pamamahala ng tanggulang pambansa na nakabatay sa mga adhikain ng kapayapaan at katarungan,” sabi nito.

“Matagal nating nakasama at naging matatag na kaagapay si Sec. Charlie sa ating mga pagsisikap at gawaing pangkapayapaan sa Bangsamoro region, lalo na noong tayo pa ay regional governor ng dating ARMM. Sa katunayan, instrumental si Sec. Charlie sa tinatamasa nating kapayapaan ngayon hindi lamang sa BARMM kundi pati na rin sa buong Mindanao,” dagdag pa ni Hataman.

Sinabi nito na bilang isang mahusay na sundalo, nauunawaan ni Galvez na ang susi sa kapayapaan ay hindi sa lakas ng puwersa o karahasan.

“Mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad at lokal na pamahalaan pati na rin ang pagtugon sa ugat ng digmaan. Kaya bilang kalihim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, naging epektibo ang mga programang ipinatupad ni Sec. Galvez dahil sa kanyang mahabang karanasan sa kapayapaan,” pahayag pa ng mambabatas.

Naging katuwang umano nito si Galvez nang sinimulan nito ang Program Against Violent Extremism (PAVE) bilang brigade commander na siyang counterpart sa security sector.

“Suportado pa rin niya ang PAVE noong maitalagang commander ng Western Mindanao Command ng AFP. Nasa forefront din siya ng Marawi Siege noong 2017 at isa sa mga opisyal na nagpalaya sa lungsod mula sa mga terorista,” aniya pa.

“Kaya tayo ay lubos naniniwala sa kakayahan ni Sec. Charlie na mapanatili ang ating mga ganansiyang pangkapayapaan sa Mindanao at sa BARMM. At makakaasa si Sec. Charlie sa ating tulong kung sakaling kailanganin man niya ito,” saad nito.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s