
NI NERIO AGUAS
Naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Belarus national na pinaghahanap ng batas dahil sa pang-aabuso sa isang Pinay sa lalawigan ng Cavite.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na dayuhan na si Aliaksei Rudakou, 31-anyos, na nadakip sa NAIA Terminal 3 noong nakaraang Enero 5 na dumating sa bansa sakay ng Emirates flight mula sa Dubai.
Sa record ng BI, si Rudakou, na may alyas na Ali at Aliak, ay iniulat na naninirahan sa isang condominium unit sa Quezon City.
Nabatid na may inilabas na warrant of arrest ang Bacoor City regional trial court noong Nobyembre 22, 2022 kaugnay ng kasong sexual assault na inihain ng prosekusyon laban sa nasabing dayuhan.
Kasabay nito, noong Disyembre 15, 2022 nang ilabas ng BI board of commissioners ang kautusan na inilalagay sa alert list si Rudakou.
“Wanted criminals who have a pending warrant of arrest are immediately turned over to the proper authorities once intercepted at any port in the country. We have close coordination with local law enforcement agencies, and immediately include in our system warrants issued by courts,” sabi ni Tansingco.
Agad na dinala sa Philippine National Police (PNP) ang nasabing dayuhan at ikinulong habang inihahanda ang resolusyon sa kasong kriminal laban dito dahil sa pang-aabuso sa di pinangalanang Pinay.