
NI NERIO AGUAS
Napigilan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong pinaghihinalaang biktima ng human trafficking na nagtangkang ilusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nagkunwang mga turista ang nasabing mga biktima na patungo sana sa Bangkok, Thailand subalit napigilan ito ng mga BI personnel bago pa makasakay ang mga ito sa Air Asia flight sa NAIA 3 terminal noong nakalipas na Biyernes.
“There will be no letup in our campaign against human trafficking. We are sending a strong notice to these syndicates that we have doubled our vigilance in seeing to it that our poor Kababayans do not fall prey to their activities,” ayon sa BI chief.
Sinabi pa ni Tansingco na base sa interogasyon, inamin ng mga biktima na patungo sana ang mga ito sa Vientianne, Laos upang magtrabaho bilang customer service representatives sa isang kumpanya at pinangakuan ng suweldong P30,000 hanggang P40,000 kada buwan.
“The modus operandi employed here by the syndicate is for their victims who were disguised as tourists to initially fly to Thailand where they would later board a connecting flight to Laos,” ayon kay Tangsinco.
Sinabi ni BI travel control and enforcement unit (TCEU) head Ann Camille Mina, na natuklasan ang tangkang paglusot ng mga biktima nang magpakita ang mga ito ng pekeng employment documents maliban pa sa mga magkakaibang pahayag ng mga ito kung ano ang tunay na pakay ng paglabas ng mga ito ng bansa.
Inamin ng mga ito na tanging sa NAIA lamang natanggap ng mga ito ang kanilang dokumento mula sa hinihinalang human trafficking syndicate.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima habang inihahanda ang paghahain ng kaso laban sa mga illegal recruiters ng mga ito.