
Ni NOEL ABUEL
Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang gawing 56-anyos na lang ang optional retirement age ng mga manggagawa sa gobyerno.
Sa botong 268 na pabor at isa ang tumutol at isa rin ang abstein, pinagtibay ng Kamara ang House Bill No. 206 o “An Act lowering the optional retirement age of government workers from sixty years to 56 years, amending for the purpose Section 13-A of Republic Act 8291, otherwise known as The Government Service Insurance System Act of 1997.
Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang iminungkahing batas ay nagbibigay sa mahigit isang milyong manggagawa sa pagpili na magretiro ng maaga.
“They can opt to quit working, receive their benefits, do other activities, and enjoy life in retirement with their loved ones even before they become senior citizens,” aniya.
Ang panukalang batas ay nagsasaad na ang isang manggagawa ng gobyerno-GSIS na miyembro ay magiging karapat-dapat sa mga benepisyo sa pagreretiro kung ito ay hindi bababa sa 56 taong gulang sa oras ng pagreretiro, ay nagsilbi ng hindi bababa sa 15 taon at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon para sa permanenteng permanent total disability.
Sa ilalim ng RA 8291, ang isang retiradong miyembro ay maaaring pumili ng limang taong lump sum ng mga benepisyo, kasama ang buwanang pensiyon na babayaran pagkatapos ng limang taon, o katumbas ng cash sa 18 buwan, na may epekto kaagad ang pagbabayad ng kanyang pensiyon.
Samantala, ang retirement ay gagawing compulsory sa edad na 65-anyos.