
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng suporta si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera sa pagsisikap ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na tugunan ang mga hamon sa basic education system ng bansa.
“I personally laud and support the Vice President for her commitment to improve the quality of basic education in the country in her capacity as the Secretary of the Department of Education,” sabi ni Herrera.
“I have absolute confidence in her ability to institute much needed reforms to make the Philippine basic education system competitive and at par with other countries,” dagdag pa nito.
Tugon ito ng mambabatas matapos ilunsad ni Duterte ang “MATATAG” agenda, na magsisilbing roadmap ng DepEd sa pagtugon sa mga hamon sa basic education sector sa ilalim ng kanyang termino bilang pinuno ng edukasyon.
Ang MATATAG agenda ay naglalayon na tumuon sa paggawa ng kurikulum na may kaugnayan upang makabuo ng mga karampatan at job-ready, aktibo, at responsableng mamamayan; paggawa ng mga hakbang upang mapabilis ang paghahatid ng basic education facilities and services sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kagalingan ng mag-aaral, inklusibong edukasyon, at isang positibong kapaligiran sa pag-aaral; at magbigay ng suporta sa mga guro upang magturo ng mas mahusay.
Ayon pa kay Herrera, ang estratehiyang ito ay tiyak na makatutulong sa pangunahing sektor ng edukasyon na patuloy na makabangon mula sa epekto ng pandemya at matugunan ang mga problema na matagal nang umiiral sa sistema ng edukasyon.
Sinabi ni Herrera na handa rin itong suportahan ang anumang batas o polisiya na nais ng Bise Presidente na unahin ng Kongreso para sa basic education sector.
“Malaki po ang tiwala natin kay VP Sara at nakahanda po tayong suportahan anumang batas o polisiya na sa tingin natin ay makapagpapabuti ng kalagayan ng sistema ng edukasyon sa bansa,” pahayag pa nito.
Sinabi ni Herrera na lalo itong namangha sa determinasyon ng Bise Presidente na maibalik sa tamang landas ang edukasyon ng mga bata sa pagpapatuloy ng face to face classes pagkatapos ng dalawang taon ng intermittent distance learning sa panahon ng pandemya.
“We have seen the tremendous work VP Sara has done to help schools reopen for in-person learning and allow our children to safely return to school,” giit pa nito.
“I believe this is just a preview of how she will lead the DepEd in the next six years. With her strong leadership and firm political will, people can expect VP Sara to undertake some bold reforms that will help improve and transform our country’s basic education system,” paliwanag pa ni Herrera.