
Ni NOEL ABUEL
Ipinasa na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 6574, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Sa botong 272 affirmative votes, ang panukala ay inaprubahan sa ikatlo o huling pagbasa ng Kamara na ngayon ay nakabinbin ang mga deliberasyon sa Senado.
Ang HB. 6574 ay pinagsama-samang panukala na inihain nina Pasig City Rep. Roman Romulo, Valenzuela City Rep. Rex Gatchalian, Northern Samar 2nd district Rep. Harris Christopher Ongchuan, at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.
Kapag naisabatas na ang panukalang ito, gagawin na ngayon ang Mental Health and Well-Being Offices sa bawat DepEd Schools Division.
Ang Mental Health and Well-Being Office ang mangangasiwa sa paglalagay ng mga mental health professionals sa bawat pampublikong elementarya, sekondarya, bokasyonal na institusyon, at mga tanggapan sa Department of Education (DepEd).
Ipinaliwanag ni Ongchuan, na ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay umaayon sa kamakailang House Bill No. 6416 na nagtatag ng Mental Health Office sa lahat ng State Universities at mga kolehiyo.
“The COVID-19 pandemic has highlighted the importance of not just promoting mental and physical wellness, but also the psychological wellness of our students. This care for our students should be seen in all fronts of our education sector,” sabi pa ni Ongchuan.
Sa pagpasa ng nasabing panukala, umaasa ang mambabatas na matutugunan din ang iba pang mga panukalang batas na may kinalaman sa mental health at well-being, partikular ang House Bill 3582 na naglalayong magkaloob ng Mental Health Centers sa bawat rehiyon sa bansa.