Pagpapababa ng interes sa utang ng mga magsasaka, mangingisda pasado na sa Kamara


Rep. Arnie Teves

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pagsasaayos sa lahat ng interes, surcharge at iba pang parusa ng mga pautang sa mga magsasaka at mangingisda mula sa government lending agencies upang matulungan ang sektor ng agrikultura na maging mas produktibo.

Sa House Bill No. 2877, o ang Agrarian and Agricultural Loan Restructuring Act, na iniakda ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves, layon nito na maglaan para sa restructuring at condonation ng mga hindi nabayarang interes, multa, at surcharge sa mga pautang ng mga magsasaka, mangingisda at agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), People’s Credit and Finance Corp., Cooperative Dev’t. Authority, National Food Authority (NFA), at Quedan and Rural Credit Guarantee Corp.

Tiwala si Teves na ang kanyang mungkahing panukala ay uusad din sa Senado nang walang hadlang para sa maibigay ang agarang suporta sa pasanin ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa paglobo ng interes ng kanilang mga pautang.

Idinagdag ng kongresista na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), ay nagbigay ng espesyal na pagbanggit sa sektor ng agrikultura bilang isa sa mga pangunahing nagtulak sa pagsulong ng kanyang administrasyon para sa paglago at trabaho at kahit na nakatuon sa pagtaas ng produksyon ng agrikultura at upang himukin ang sektor tungo sa modernisasyon.

Sinabi rin ni Teves na tiniyak ng Pangulo sa mga magsasaka at mangingisda na ang tulong pinansyal sa kanilang sektor ay isa sa mga pangunahing isusulong ng kanyang administrasyon.

At upang makamit ito, sinabi ni Teves na nangako rin ang Pangulo na hindi lamang pinansyal ang ibibigay ng gobyerno kundi pati na rin ang teknikal na tulong sa sektor ng agrikultura.

“This measure will facilitate reintegration into the financial and banking system of the farmers, fisherfolk and agrarian reform beneficiaries and will give them access to new government credit programs,” paliwanag ni Teves.

Iginiit ng mambabatas na matagal nang nabibigatan ang mga magsasaka, mangingisda at ARB at kani-kanilang mga kooperatiba o asosasyon dahil sa paglobo ng interes, multa, at dagdag singil sa mga na-avail nilang pautang sa mga ahensya ng gobyerno.

“The President cares much about the farmers and the fisherfolk and promised to provide them loans and financial assistance to boost production and food security. However, some farmer’s cooperatives might not be able to avail such if they don’t have good credit standing, thus I am pushing for the immediate approval of this measure,” pahayag pa nito.

Leave a comment