P2,000 buwanang ayuda sa magulang na may anak na may kapansanan isinulong sa Kamara

Rep. Paolo Duterte

NI NOEL ABUEL

Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng ilang kongresista ang pagkakaloob ng P2,000 buwanang ayuda para sa mga magulang na may anak na children with disabilities (CWDs).

Sa inihaing House Bill 6743 nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS party list Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano, binabalangkas nito ang mga kinakailangan para sa mga magulang ng may anak na may kapansanan upang maging kuwalipikado sa subsidiya at nag-uutos sa paglikha ng database ng lahat ng CWDs upang maging epektibo ang implementasyon ng nasabing panukala.

Tinukoy ng mga kongresista ang pag-aaral na ginawa ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na ang gastusin sa pagpapalaki ng CWDs ay nasa 40 hanggang 80 porsiyentong mas mataas sa ibang batang walang kapansanan.

Idinagdag pa ng UNICEF na natuklasan na ang poverty rates ay nasa 50 porsiyentong mas mataas sa mga kabahayan na may CWDs.

“This  proposed measure seeks to provide the government support and assistance needed by children with disabilities through a provision of a monthly subsidy to their parents in order to help alleviate the challenges they continuously face amid the rising costs of living,” ayon pa sa panukala.

Sa ilalim ng HB 6743, ang CWD ay tumutukoy sa mga 21-anyos na bata na may physical o mental impairment na naglilimita sa isa o higit pa sa galaw at aktibidad.

Ang lahat ng biological parents at court-appointed guardians ng CWD ay ibeberipika at sesertipikahan ng DSWD at ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang sakop ng panukala.

Gagawing pre-requisite para maging kuwalipikado bilang benepisyaryo ng subsidiya ang pagkakaroon ng authentic person with disabilities (PWD) identification card.

Ang P2,000 buwanang ayuda ay ilalabas ng DSWD na awtomatikong ititigil sakaling umabot ang edad ng CWD sa 21-anyos.

Nakasaad pa sa panukala na ang  CWD database ay bubuuin at ia-updated taun-taon ng DSWD, NCDA, Philippine Statistics Authority (PSA), at ng National Privacy Commission (NPC) sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang maging epektibo ang pagkakaloob ng subsidiya. 

Nagtakda ang panukala ng inisyal na pondong P2 bilyon sa unang taon ng pagpapatupad ng nasabing programa.

Nakapaloob din sa HB 6743 ang probisyon na magpaparusa sa sinumang mapapatunayang mamemeke o magkukunwang magulang ng CWD kung saan ang first-time violators ay pagmumultahin ng P25,000 hanggang  P50,000.

At kung magiging sunud-sunod ang paglabag ay pagmumultahin ito ng hanggang P100,000.

Habang ang iba pang tao, korporasyon o organisasyon, kung natural o juridical, na mapapatunayang lalabag sa probisyon ng panukalang batas ay pagmumultahin ng hanggang P200,000.

Leave a comment