Libreng TDC at road safety awareness seminar inaalok ng LTO-NCR West

Ni NOEL ABUEL

Nag-aalok ng libreng theoretical driving course (TDC) at road safety awareness seminar sa mga unang buwan ng 2023 ang Land Transportation Office-National Capital Region Office West (LTO-NCR West) upang maglingkod sa publiko ng mas mabuti.

Sinabi ni LTO-NCR West Regional Director Roque I. Verzosa III na ang mga aktibidad ay parte ng kanilang patuloy na pananagutan upang magkaroon ng mas ligtas na kalsada para sa lahat ng motorista.

Giit pa nito na ang mga aktibidad ay ginagawa sa ilalim ng gabay ni LTO chief, Assistant Secretary Jose Antonio “Jay Art” Tugade.

Matapos na halos sabay na binuksan ang Driver’s Education Center (DEC) ng LTO-NCR West Regional Office at Pasay City Licensing Center sa pamumuno ni Paquita dela Cruz and Allan Tecson, mahigit 300 estudyante ang nakapagtapos na ng libreng TDC na inaalok ng dalawang pasilidad ng LTO.

Ani Verzosa, inaasahan anila na mas tataas pa ang bilang ng mga estudyante na magtatapos mula sa DEC sa mga susunod na linggo.

Ang pagkakaroon ng DEC, ayon kay Verzosa, ay isang paraan para matugunan ang mga reklamo laban sa mga walang disiplinang drivers at iba pang mga motorista na sinasadya o di sinasadyang lumabag sa batas trapiko.

“Ang mga nakapagtapos ay agad na maaari nang makapag-apply ng student permit, sapagkat ang mga nasabing opisina ay may kakayahan para makapag-isyu nito,” ani Verzosa.

Dagdag pa ni Verzosa, magbubukas pa ng mas maraming slots ang DEC para sa libreng TDC sa unang linggo ng Pebrero. Ang dalawang pasilidad ay kayang maasikaso ang mahigit na 30 estudyante kada sesyon.

Sa mga interesado, makikita sa opisyal na Facebook Page ng LTO-NCR West ang paraan ng pagrerehistro para sa libreng TDC.

“Maliban sa libreng TDC, patuloy rin ang pagsasagawa ng mga seminars patungkol sa mga batas trapiko, at kaligtasan sa daan na dinadaluhan ng mga operations managers, dispatchers, at iba pang tauhan ng mga bus companies,” sabi nito.

Noong Miyerkules, Pebrero 1, 2022, idinaos ang road safety awareness seminar sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa pangunguna ng LTO Parañaque Licensing Center chief Ella D. Bautista.

Nagbigay rin ng mensahe sa seminar na dinaluhan ng iba’t ibang bus transport sa nasabing terminal ang pamunuan ng PITX sa pangunguna ni Mr. Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations Head.

Kabilang sa tinalakay rito ang kahalagahan ng pagiging alerto sa daan, pagtitiyak na maayos ang mga bus na gagamitin at pag-iwas sa droga upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

“Layunin ng mga gawaing ito na magkaroon tayo ng disiplinado at responsableng drayber sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga tamang altituntunin patungkol sa batas-trapiko. Sa gayon, isang ligtas at mapayapang lansangan ang ating mararanasan sa daan na ligtas sa anumang sakuna,” paliwanag ni Verzosa.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s