

Ni NERIO AGUAS
Tinanggal ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang nasa 36 BI personnel nito na nagbabantay sa mga nakakulong na mga dayuhan sa detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Personal na pinangasiwaan ni Tansingco ang pagsasagawa ng surprise inspection kung saan agad na iniutos nito ang pagtanggal sa halos lahat ng tauhan nito sa nasabing piitan at naglagay ng bagong tauhan na magbabantay sa mga nakakulong na mga dayuhan.
“A lot can be done to improve the facility. After seeing the situation firsthand, we have seen opportunities for improvement and issues that need to be addressed,” sabi ni Tansingco.
Ipinangako ng opisyal na ipaprayoridad nito ang modernisasyon ng BI Ward Facility (BIWF).
Ang BIWF ay nagsisilbing pansamantalang pasilidad ng mga dayuhan na itinakda para sa deportasyon at matatagpuan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Sa naturang inspeksyon, ang pamamahala ng BIWF ay nailipat sa bago nitong pinuno na si Intelligence Officer II Leander Catalo.
Nauna nang inalis ni Tansingco ang dating hepe nito, kabilang ang 35 iba pang tauhan, at inilipat sa ibang back-end offices habang naghihintay ng imbestigasyon.
Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa sorpresang raid noong Enero 30 na isinagawa ng mga operatiba ng intelligence division ng BI sa tulong ng National Capital Region Police Office, na nakumpiskaang mga hindi awtorisadong cellphone at gadget, pera, sigarilyo, matutulis na bagay, at construction materials.
Sa polisiya ng BI, pinahihintulutan ang paggamit ng mga cellphone ng mga dayuhang nakakulong upang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng embahada, kanilang abogado o pamilya.
Gayunpaman, walang awtorisasyon ang inisyu ni Tansingco mula noong ito ay maitalaga sa BI noong Setyembre 15, 2022.
Matapos ang raid, agad na ipinag-utos ni Tansingco na ihiwalay ang mga dayuhang pugante sa iba pang deportee.
Sinabi nito na ang mga pugante ay nangangailangan ng higit na seguridad at mas mahigpit na mga regulasyon, kumpara sa mga may mababang pagkakasala.
“I have instructed the new management of the BIWF to implement improvements in the facility, and to ensure that no such incident occurs in the future. Those who are found to be remiss of their duty will definitely face administrative sanctions,” paliwanag pa ng opisyal.
Sinabi ni Tansingco na naisumite na nito sa Department of Justice ang ulat ng nasabing raid para sa kaukulang disposisyon.