
Ni NOEL ABUEL
“Your days are numbered.”
Ito ang babala ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez laban sa mga abusadong mangangalakal at nag-iimbak ng sibuyas at bawang na hinihinalang nasa likod ng patuloy na mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura sa merkado.
“We received information that these people are hoarding onion, and more recently even garlic, to create an artificial scarcity in supply and induce price increases,” ayon pa kay Romualdez.
Binanggit nito ang mga ulat na sa kabila ng patuloy na panahon ng pag-aani at ang pagpasok ng mga imported na sibuyas ay nananatiling mataas ang presyo nito sa mga pamilihan.
Sinabi ni Romualdez na inatasan na nito ang House Committee on Agriculture and Food na magsagawa ng imbestigasyon at, kung kinakailangan ng ebidensya, irekomenda ang pagsasampa ng naaangkop na mga kasong kriminal laban sa mga taong nasa likod nito.
“This is economic sabotage,” ayon pa kay Speaker Romualdez.
Ayon pa dito, pag-aaralan ng House panel ang opsyon na irekomenda sa Pangulo ang calibrated importation ng sibuyas at bawang bilang isang paraan para pilitin ang mga walang prinsipyong indibidwal na ito na mag-diskarga ng kanilang mga stock at ibaba ang mga presyo upang maibsan ang pasanin ng mga mamimili.
Gayunpaman, ipinunto ni Romualdez na ang naturang importasyon ay hindi dapat makapinsala sa kapakanan ng mga lokal na magsasaka.
“It is very important to ensure that any importation should consist of such quantity and be done well ahead of the harvest season to avoid any adverse effect on the livelihood of our local farmers,” sabi pa nito.
Maliban sa imbestigasyon, nais ni Romualdez ang araw-araw na pagsubaybay sa presyo ng sibuyas at bawang sa mga lokal na pamilihan.
“People are still trying to recover from the pandemic. The last thing we need is an unreasonable rise in food prices,” ayon pa sa lider ng Kamara.
Samantala, sinabi rin ni Romualdez na dapat pantay-pantay na tugunan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang smuggling ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura na pumipigil sa lokal na industriya.
