
Ni JOY MADALEINE
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagbubukas ng ‘Juanap-buhay’ Caloocan Trade Bazaar bilang bahagi ng pagdiriwang ng 61st Cityhood Anniversary ng Caloocan sa City Hall Commercial Complex kung saan tampok ang mga produktong gawa ng persons with disability (PWDs), mga kooperatiba, mga benepisyaryo ng livelihood trainings at mga lokal na micro business.
Maliban pa dito, inalok ang mga libreng serbisyo tulad ng blind massage at pet grooming.
Nagkakaroon din ng mga acoustic performance at open mic night para tangkilikin ng lahat at bukas mula alas- 9:00 ng Umaga hanggang 9:00 ng gabi, Lunes hanggang Linggo, mula Pebrero 6 hanggang Pebrero 15, 2023
Ang nasabing bazaar ay joint-project ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), Public Employment Service Office (PESO), City Economic and Investment Promotion Office (CEIPO), Cooperative Development and Coordinating Office (CDCO), City Veterinary Department (CVD), Internal Audit Services (IAS), at Caloocan Anti-Drug Abuse Office (CADAO).
Pinuri ng lokal na punong ehekutibo ang bawat stall organizers at sinabing pinahahalagahan nito ang pagsisikap at lubos na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga gawaing pang-ekonomiya.
“Ngayon pa lang po kinikilala ko na po kayo sa inyong pagsisikap bilang maliliit na negosyo. Suportado po kayo ng pamahalaang lungsod sa inyong mga susunod na adhikain, handa po kaming tumulong na i-promote ang inyong mga negosyo,” sabi ni Mayor Along.
Inanyayahan din nito ang mga empleyado at residente ng Caloocan na suportahan ang nasabing programa kasabay ng pagdidiin na ito ay makakatulong sa pagpapalakas at pagsulong ng mga lokal na produkto at serbisyo ng lungsod.
“Suportahan po natin ang ating Juanap-buhay Caloocan Trade Bazaar at iparamdam natin sa ating mga kababayan na tinatangkilik natin ang mga produkto at serbisyo ng mga Batang Kankaloo,” ayon pa sa alkalde.