
Ni NOEL ABUEL
Dinagdagan pa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang donasyon nito sa bansang Turkey bilang humanitarian aid sa libu-libong biktima ng lindol.
Una nang nagbigay ang Kamara ng $100,000 sa Turkey at dinagdagan ng P10 milyon na idinaan sa pamamagitan ng Philippine Red Cross (PRC).
Ang halaga ay bilang karagdagan sa $100,000 na ibinigay ng Kamara, sa pamamagitan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa Ambassador ng Turkey sa Pilipinas na si Niyazi Evren Akyol noong Lunes.
Ang $100,000 o katumbas ng P5.5 milyon ay nagmula sa Speaker’s Disaster Relief and Rehabilitation Initiative, habang ang P10 milyon ay nalikom mula sa boluntaryong kontribusyon ng mga miyembro ng Kamara.
Maliban kay Romualdez kasama rin na nagkaloob sa Red Cross ng tulong pinansyal sina Tingog party-list, Rep. Yedda Marie K. Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, Minority Leader Marcelino Libanan, Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Reps. Toby Tiangco, Jayjay Suarez, Rachel Arenas ng Pangasinan, House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco, at dating Zamboanga Zibugay Rep. Sharky Palma.
Si dating Senador Richard Gordon, na PRC chairman at chief executive officer, ay tumanggap ng donasyon para sa mga biktima ng lindol sa Turkey.
“On this day of love and compassion, we show our love and appreciation to the people of Turkey who helped us, together with friends and other allies, when we needed it most. We understand and feel what they are going through, and we are praying for them,” sabi ni Romualdez.
Ang Turkey ay kabilang sa mga unang tumugon sa resulta ng malawakang pagkawasak na dulot ng Super Typhoon Yolanda sa Leyte at iba pang bahagi ng Eastern Visayas noong Nobyembre 2013.
Ipinaabot ni Ambassador Aykol ang kanyang pasasalamat sa humanitarian aid na ibinigay ng Kamara para sa kanyang mga kababayan na nasalanta ng lindol.
“You know, in an event like this, it’s very good to know you have your friends on your side,” aniya pa.