



NI NERIO AGUAS
Kalaboso ang apat na South Koreans na wanted sa bansa nito sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na lugar sa Metro Manila at Pampanga.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga nadakip na dayuhan na sina Chun Junghoon, 39-anyos, Kim Jingsuk, 44-anyos, Park Geon Jin, 34-anyos, at Park Kyoungtae, 40-anyos, na kasalukuyang nakadetine sa BI dentention facility habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik ng South Korea.
Kasabay nito inilagay sa undesirable and undocumented aliens ang nasabing mga dayuhan dahil sa binawi na ng gobyerno ng South Korea ang mga pasaporte ng mga ito.
“We are in the midst of an intensified campaign to flush out these wanted foreigners who are using the country as a refuge to elude arrest and prosecution for crimes they committed in their homeland. They will also be placed in our blacklist, thus banning them from reentering the country,” sabi ni Tansingco.
Base sa ulat, unang nadakip noong nakalipas na Pebrero 1 sa San Antonio Village, Pasig City Chun, na taong 2020 pa nasa wanted list ng BI kasunod ng utos ng BI board of commissioners ang pagpapa-deport dito.
Nabatid na si Chun ay may arrest warrant na inilabas ng Busan district court noong Enero 2020 dahil sa pagkakasangkot nito sa telecom fraud syndicate na nakatangay ng mahigit sa 3 milyon won o katumbas ng US$3,000 sa mga naging biktima nito sa pamamagitan ng voice phishing.
Noong nakalipas namang Pebrero 4, naaresto ng FSU agents si Kim Jingsuk sa Bgy. Anonas, Angeles City, Pampanga sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng district court sa Chuncheon, South Korea dahil sa pagtangay sa 367 milyon, o katumbas ng US$300,000 mula sa employer nito sa pamamagitan ng illegal na pagbebenta ng 1,300 tonelada ng imported coal mula sa Russia.
Nadakip din sa Pampanga si Park na wanted ng Seoul Seobu District Court sa Korea dahil sa pagiging miyembro ng voice phishing organization na nakatangay ng mahigit sa 7.65 million Korean won simula noong 2018.
At Pebrero 8, nadakip si Park Kyoungtae, na wanted din sa Busan dahil sa illegally gambling website simula 2020.