
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa publiko at sa mga negosyante na hindi maaabuso ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) o ang sovereign wealth fund.
Ginawa ni Romualdez ang katiyakan sa kanyang recorded video message sa harap ng Asia CEO (chief executive officer) Forum sa Manila Marriott hotel ngayong araw ng Biyernes.
“As far as the issue of possible misuse and abuse of the Fund, let me assure everyone that your House of Representatives is keenly aware of your concern. For this reason, we have seen fit to incorporate adequate safeguards in House Bill No. 6608 to ensure that the funds are invested properly. These safeguards are both proactive and punitive,” pahayag pa nito.
Binanggit nito ang mga proactive safety ng MIF, kabilang ang mga probisyon ng transparency at ang pangangailangan na isailalim ang books of accounts ng Maharlika Investment Corp. (MIC), na mamamahala sa pondo, sa tatlong layer ng audit ng isang internal auditor, isang external auditor at ang Commission on Audit (CoA).
Ang mga pag-audit ay dapat nakasusunod kung ang mga pamumuhunan ay ginawa alinsunod sa Santiago principles, isang hanay ng mga alituntunin na idinisenyo upang itaguyod ang mabuting pamamahala, pananagutan, transparency, maingat na mga kasanayan sa pamumuhunan, at isang matatag at open investment climate.
Aniya ang operasyon ng MIC ay imomonitor ng Maharlika Investment Fund Joint Congressional Oversight Committee.
Ang HB No. 6608 ay nagbibigay rin na ang lahat ng mga dokumento ng Maharlika ay bukas sa sinumang gustong suriin ang mga ito, kabilang ang mga ulat mula sa internal auditor, external auditor, at CoA.
Ang pamamahala ng MIC ay bubuuin ng mga taong may good moral standing at reputasyon, may kinikilalang katatagan at kalayaan, na may malaking karanasan at kadalubhasaan sa pamamahala at pangangasiwa ng korporasyon, pamumuhunan sa mga financial assets, at pamamahala ng mga pamumuhunan sa lokal at pandaigdigang merkado.
Ang maliit na bahagi ng investible funds ng Land Bank, Development Bank of the Philippines, at Bangko Sentral ng Pilipinas at isasailalim sa pamamahala ng MIC bilang inisyal na kapital ng Maharlika Investment Fund.
“If these pro-active provisions are not enough, House Bill No. 6608 also provides heavy penal provisions and criminal sanctions to hold accountable and punish any director, trustee, or corporate officer who is proven to have abused the management of the Maharlika Investment Fund,” sabi pa ni Romualdez.