
Ni NOEL ABUEL
Tinawagan ng pansin ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine National Police (PNP) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isang emergency meeting upang talakayin ang sunud-sunod na mga high-profile na krimen sa bansa.
“Nakakabahala na dahil parang halos every week may malaking balita tungkol sa mga napapatay sa kalye,” ani Romualdez.
“Gusto natin malaman sa PNP at DILG kung ano ang mga hakbang na ginagawa nila upang pigilan ang mga ganitong uri ng karumal-dumal na krimen,” aniya pa.
Sinabi pa ng lider ng Kamara na malaki ang posibilidad na pulitika ang nangyayaring krimen sa bansa.
“The way it looks, mukhang pulitika ang motibo sa mga ambush kamakailan dahil mga politicians ang biktima,” ayon pa kay Romualdez.
“We will ask the police and the DILG, saan ang problema? Intelligence ba? Paano makakatulong ang Kongreso sa paglutas ng mga krimeng ito?” tanong pa nito.
Kamakailan, malubhang nasugatan ang isang alkalde ng Maguindanao sa pananambang sa Pasay City at nitong buwan ay isang mag-asawang negosyante at kasama ng mga ito ang pinagbabaril.
Gayundin, kamakailan ay isang bise alkalde ng Aparri, Cagayan ang pinagbabaril at nasawi sa pananambang.
Himala naman at nakaligtas si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong sa pananambang sa Maguindanao ngunit apat na police escorts nito ang nasawi.