
Ni NOEL ABUEL
Inaprubahan na sa House committee level ng Kamara ang panukalang inakda ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar na naglalayong magbigay ng P5,000 financial assistance sa mga fresh graduates na naghahanap ng trabaho.
Sa inisyal na pagdinig sa House Bill 6542 ni Villar o “An Act Providing fresh graduates of Philippine tertiary education, universities, colleges and training institutions”, ang one-time cash grant na ₱5,000 ay magagamit ng mga fresh graduates para sa pag-apply ng trabaho, panimulang trabaho at paninirahan, ang House Committee on Higher and Technical Education na pinamumunuan ni Baguio Rep. Mark Go ay kumilos na aprubahan ang panukalang batas.
“This is an assistance to graduates, an encouragement as they become part of the workforce which is very relevant at this time. They can also utilize the amount, small it may be, in commencing a micro business or a start-up enterprise,” sabi ni Villar.
Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng estado na dumalo sa pagdinig ay nagpahayag ng walang pagtutol sa panukala, at nagmungkahi lamang ng mga maliliit na pagbabago upang mapabuti ang panukalang batas.
Sa panig naman ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing, inirekomenda nito na isama sa probisyon na ang cash grant ay dapat na ipagkaloob sa pamamagitan ng ATM.
Sa tala ng Commission on Higher Education (CHED) na nasa 345,000 graduates sa public at private higher education institutions ngayong 2020-2021 school year.
Upang makakuha ng cash aid, isang kopya ng diploma o anumang balidong katibayan ng pagtatapos na ibinigay ng institusyong pang-edukasyon ay dapat iharap sa ahensya ng gobyerno o lokal na pamahalaan na kinauukulan.
Ang patunay ng pagtatapos ay dapat na malinaw na nakasaad ang petsa ng pagtatapos o pagkumpleto at ang kursong natapos o degree na nakuha, at dapat na pirmahan ng nararapat na awtorisadong kinatawan ng institusyon.
Sa ilalim ng panukala, lilikha ng interagency monitoring committee na pamumunuan ng chairperson ng Commission on Higher Education (CHED).
Bubuo ang mga ito ng mga implementing rules and regulations at susubaybayan ang pagsunod ng iba’t ibang ahensya.
“This is not a dole-out but should be viewed as an investment of the government to the youth, fully consistent with our Constitution, and the nation’s existing laws on social welfare,” sabi ni Villar.