
NI NERIO AGUAS
Apat na dayuhan ang naghihimas ngayon ng rehas na bakal matapos madakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) nang tangkaing lumabas ng bansa gamit ang pekeng travel documents.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing mga dayuhan ay magkakahiwalay na araw na dinakip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Thanks to the vigilance of our officers at the airport we were able to prevent these illegal aliens from slipping in or out of the country,” ani Tansingco.
Nabatid na unang nadakip ang isang Indian national na si Harpreet Singh Ahitan, 32-anyos, noong Pebrero 3, na nakumpiskahan ng pekeng immigration visa extension sa pasaporte nito bago makasakay ng Asia flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Noong Pebrero 6, nadakip din ang Chinese national na si Zhang Yang, 30-anyos, nang tangkain din nitong sumakay ng Philippine Airlines patungong Bangkok kung saan nakuha ang pekeng Philippine visa sa pasaporte.
Noong araw ding iyon, pinagbawalan ang Indian national na si Maleet Singh, 42-anyos, na sumakay sa kanyang Thai Airways flight papuntang Singapore matapos makita ng mga opisyal ng BI na peke ang immigration arrival stamp sa kanyang pasaporte.
At noong Pebrero 8 nang madakip ang Korean national na si Lee Jihun, 38-anyos, na naharang dahil napag-alamang pinaghahanap ito sa Korea dahil sa kasong electronic financial fraud na kinakaharap nito sa kanilang bansa.
Inaresto ang dayuhan dahil sa pagiging undocumented dahil sa binawi na ang pasaporte nito.
Samantala, iniulat din ng BI na ilang dayuhan ang pinigilang makapasok sa bansa dahil sa paglabag sa immigration law.
Inaresto ang Taiwanese national na si Lin Chia Hao, 29-anyos, na dumating sa NAIA sakay ng Saudia flight mula Jeddah noong Pebrero 8 kung saan nakita sa pasaporte nito ang pekeng Philippine visa.
At noong Pebrero 10, isang South Korean national na si Kang Juchun, 38-anyos, na inaresto dahil sa pagiging wanted sa kasong murder charges at abandonment at itinuring din itong fugitive from justice ng Interpol.
Kasalukuyan nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga dayuhan.
“Afterwards, we will include them in our immigration blacklist to prevent them from reentering the country,” ayon sa BI chief.