Paglalagay ng booster pumps sa Estero de San Miguel minamadali na ng DPWH

Ni NERIO AGUAS

Minamadali na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matapos ang paglalagay ng bagong booster pumps sa kahabaan ng Estero de San Miguel sa Mendiola Street, Manila City bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.

Ayon sa ulat ni DPWH National Capital Region Director Loreta M. Malaluan, nakatanggap ng P100 milyong pondo ang kasalukuyang booster pump project para sa Phase 1 at isa pang P100 milyon para sa Phase 2.

Ang Phase 1 na sumasaklaw sa pag-install ng isang booster pump kasama ang mga accessory nito ay 70 porsiyento na nang natapos at inaasahang matatapos sa loob ng taon.

Habang ang Phase 2 na kasalukuyang nagpapatuloy ay magdaragdag ng isa pang booster pump at ancillary equipment.

Sa oras na matapos ang proyekto, ang bawat booster pump ay makakapaglabas ng 1 cubic meter per second ng tubig-baha na makakabawas sa pag-apaw ng Estero de San Miguel at maiwasan ang pagbaha sa lugar.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, ang paglalagay ng booster pumps ay ipinatutupad sa Metro Manila kasama ang iba’t ibang structural at non-structural measures para mabawasan ang pagbaha sa mga pangunahing kalsada tuwing tag-ulan at bagyo.

Leave a comment