
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng ilang militanteng mambabatas sa Kamara ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine Competition Commission (PCC) dahil sa kabiguan ng mga itong utusan ang Grab Philippines na i-refund ang sobrang singil nito sa mga pasahero.
Inihain ng Makabayan lawmakers ang House Resolution no. 860 para pagpaliwanagin ang LTFRB at PCC kung bakit hindi ipinatupad ang desisyon ng mga ito laban sa operasyon ng nasabing transport network company.
“Ilang taon nang hindi ipinapatupad ng Grab Philippines ang refund order, bakit passive pa rin ang PCC at ang LTFRB sa usapin na ito? Dapat na patawan na ng karagdagang multa ang kumpanya at igiit ng mga ahensya ang regulatory functions nila,” sabi ni Gabriela party list Rep. Arlene Brosas.
“Mahalaga na magkaroon ng pagdinig kaugnay ng usaping ito para matukoy natin ang mga kahinaan sa kasalukuyang regulatory framework sa transport network vehicle service (TNVS) at makapaghain tayo ng karampatang panukalang batas,” dagdag nito.
Sa paghayag ng Grab Philippines, hindi pa nito na-refund ang humigit-kumulang sa P6 milyon sa mga customer nito mula sa kabuuang P25 milyon na hiniling ng PCC sa kumpanya na i-reimburse ang mga pasahero para sa sobrang singil nito sa mga pasahero.
“Grab Philippines has been using all sorts of alibi to evade compliance to the PCC order, including the supposed lack of GrabPay wallet of its customers. The supposed P6 million constitute a tiny fraction of its superprofits. Dapat na i-release na ito sa Grab customers,” giit pa ni Brosas.