P16 milyong danyos vs ex-DOE Sec. Cusi iginiit

NI NOEL ABUEL

Humihingi ng danyos si Senador Win Gatchalian na aabot sa P16 milyon kaugnay ng kasong sibil na isinampa nito laban kay dating Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi. 

Ang kaso laban kay Cusi ay kaugnay ng civil complaint sa ilalim ng Civil Case  No. 24-V-23 na inihain ni Gatchalian sa Regional Trial Court (RTC) ng Valenzuela City  Branch 282 noong Pebrero 20, 2023. 

Nag-ugat ang kaso sa naging pahayag na inilabas ni Cusi at ipinost sa website ng DOE na malinaw na mapanirang-puri at layong nagdudulot lamang ng kasiraan sa posisyon ni Gatchalian bilang senador ng republika at higit sa lahat, sa kanyang integridad bilang isang lingkod bayan.

Si Gatchalian ay humihingi ng P10 milyon bilang moral damages, P5 milyon bilang exemplary damages at P1 milyon para sa attorney’s fees.

Nabatid na ang mapanirang puring pahayag ni Cusi ay kasunod ng pagpapatibay ng Senate Resolution 137 na nagpapahayag ng “Sense of the Senate” sa rekomendasyong sampahan ng naaangkop na kriminal at administratibong mga kaso sina Cusi at iba pang opisyal ng DOE sa Office of the Ombudsman at Civil Service Commission.  

Ang rekomendasyon ay nagmula sa serye ng mga pagdinig sa Senado na isinagawa ng Committee on Energy, na pinamumunuan noon ni Gatchalian, kaugnay ng paglipat ng 45% na participating interest ng Chevron Philippines sa Chevron Malampaya sa UC Malampaya, na dating pag-aari ng negosyante at Duterte associate na si Dennis Uy. 

“Ang pahayag ng nasasakdal ay nagpapahiwatig na ang imbestigasyon ng Senado ay may masamang intensyon at lubhang pamumulitika lamang. Ang mga paratang at bintang ni Cusi ay nagdulot ng paninirang-puri sa imbestigasyon ng Senate Committee on Energy at nagpapahiwatig na ang pagdinig ay hindi lohikal at makatwiran lalo na noong sinabi niya na ang pagdinig ay batay lamang sa ‘innuendos’ at espekulasyon na pinapalaganap ng mga taong may interes sa negosyo,” ayon sa nakasaad sa reklamo ni Gatchalian. 

 Ang pahayag ay malinaw na nagbibigay ng impresyon sa mga tao na ang imbestigasyon ng Senado sa Malampaya deal ay hindi isinagawa alinsunod sa mandato ng Senado na magsagawa ng pagsisiyasat upang malaman ang katotohanan at pinoprotektahan lamang umano ni Gatchalian ang business interests ng iilan, ayon pa sa reklamo.  

Nakalagay pa sa opisyal na reklamo na ang mga salitang ginamit ng nasasakdal sa kanyang opisyal na pahayag ay mapanirang-puri, hindi patas, at may malisyosong intensyon na nagmamaliit sa mga tungkulin ng DOE.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s