Pagtaas ng presyo ng bilihin sa Oriental Mindoro pinaaaksyunan sa DTI

Aksyunan ang pagtaas ng bilihin sa Oriental Mindoro: Apela ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa DTI.

Ni NOEL ABUEL

Iniutos ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa Department of Trade and Industry (DTI) na siyasatin ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa maraming bayan ng Oriental Mindoro.

Ito ang sinabi ng senador matapos magsagawa at mamahagi ng relief goods sa lalawigan sa Huwebes ng umaga upang ipagkaloobang cash assistance at food packs sa mga apektadong pamilya ng lumubog na M/T Princess Empress.

Binisita ni Revilla ang mga bayan ng Bulalacao, Roxas, Pinamalayan, Pola, at Naujan kung saan nakipagpulong ito sa mga lokal na punong ehekutibo na tumulong sa pamamahagi ng tulong sa mga apektadong pamilya, pati na rin ang mga family food pack mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na kasama sina Revilla, Mayor Ernilo Villas, Leo Cusi, Aris Baldoz, Jr., Jennifer “Ina Alegre” Cruz, at Henry Joel Teves, Jr., walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain at mga kalakal kabilang ang bigas, karne, manok, at mga gulay mula nang tumagas ang langis dalawang linggo na ang nakararaan.

“Nakakabahala ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa mga apektadong bayan sa Oriental Mindoro. Wala na ngang makain ang mga tao dahil nalason na ang mga isda at ibang lamang-dagat. Wala nang mahuli. Tapos pumalo pa sa taas ang presyo ng mga pamilihin! Dapat kumilos na ang DTI para siguruhing walang nagsasamantala sa pangyayaring ito. Wag niyong hayaan na lalong magdusa ang mga tao sa Mindoro,” paliwanag ni Revilla.

Sinabi pa ni Revilla na dapat magpatupad ang DTI ng mahigpit na pagsubaybay at itama ang mga iregularidad upang maging matatag ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan at bilihin sa merkado.

“Marami tayong batas na nagbibigay kapangyarihan sa DTI na siguruhin na hindi basta-basta tataas ang presyo ng mga bilihin lalo na sa panahon ng sakuna. Dapat ay mahigpit na ipatupad ito lalo na at naghihirap na ang ating mga kababayan sa Oriental Mindoro,” sabi pa nito.

Ibinahagi rin ng beteranong mambabatas na ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ay ipinaalam sa kanya na agad silang maglalabas ng cash-for-work scheme para sa 19,000 apektadong residente na tatagal ng siyamnapung (90) araw.

Idinagdag din ni Revilla na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nangako na pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Project sa mga apektadong lugar upang higit na matulungan ang mga apektadong mamamayan.

“Sisiguruhin nating wala tayong kababayan na maiiwan. Aagapay tayo sa abot ng ating makakaya. Ngayon nila dapat lalong maramdaman na kasama nila ang gobyerno sa pagbangon,” giit pa nito.

Leave a comment