
Ni JOY MADELINE
Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang mobile City Hall na naglalayong ilapit ang serbisyo sa mga residente ng lungsod nito.
Ayon kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, sinimulan ang Mobile City Hall program noong Abril 30 sa Barangay 175, Pag-asa Covered Court, JP. Rizal St., Main Road Pag-asa.
Sinabi pa ng alkalde na ito ang kauna-unahang Mobile City Hall event ngayong taon at hinikayat nito ang publiko na samantalahin ang pagkakataon sa pagproseso ng kanilang mga transaksyon sa pamahalaang lungsod.
“Ito po ang unang Mobile City Hall natin para sa taong ito, hinihikayat ko po ang ating mga mamamayan na sulitin ang pagkakataong tulad nito upang asikasuhin at mailapit ang inyong mga pangangailangan lalo na po iyong mga kababayan natin na nahihirapang lumiban sa trabaho tuwing Lunes hanggang Biyernes,” pahayag nito.
Samantala, sinabi ni City Administrator Ms. Aurora Ciego na ang mga libreng serbisyong inaalok sa Mobile City Hall ay kinabibilangan ng medical check-up, legal advice at notarization, pagbibigay ng mga gamot, at isang araw na pagproseso ng Person With Disability (PWD) identification card.
Ang Mobile City Hall ay tumutugon din sa pagpaparehistro ng kapanganakan at iba pang alalahanin sa civil registry.
“We offer the basic services of the city government during Mobile City Hall. Nais ni Mayor Along na buong pwersa ng pamahalaang lungsod ang bababa sa mga barangay upang ilapit ang ating serbisyo sa mga tao,” ani Ciego.
Binanggit din ng local chief executive na ang pangunahing layunin ng Mobile City Hall ay palawakin ang access ng mga mamamayan sa mga serbisyo ng lungsod.
“Layon po ng Mobile City Hall na ilapit sa ating mga kababayan ang mga serbisyo ng ating lokal na pamahalaan upang mas maramdaman ng bawat Batang Kankaloo ang malasakit ng pamahalaang lungsod,” ayon pa kay Malapitan.
“Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng mga tanggapan na kabahagi ng ating Mobile City Hall dahil kahit weekend ay nagbibigay pa rin sila ng serbisyo sa ating mga kababayan. Sisikapin po natin na mailibot ang Mobile City Hall sa iba pang bahagi Caloocan, para mas marami pa tayong matulungan,” dagdag pa nito.