
NI NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng isang senador ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng kasalukuyang isyu ng shortage ng mga plastic card para sa pagpapalabas ng driver’s license.
Sa Senate Resolution (SR) No. 577 na inihain ni Senador Idol Raffy Tulfo nais nitong imbestigahan ang anti-poor na proseso ng pagkuha ng driver’s license sa Pilipinas para maging mas accessible ito sa mga mahihirap at mga limitado ang budget.
“There have been issues with the process of obtaining driver’s licenses particularly the requirement to a take a Theoretical Driving Course and Practical Driving Course with an LTO-accredited driving school, to undergo a costly medical exam and obtain a medical certificate from an LTO-accredited clinic,” nakasaad sa resolusyon.
“There is a need to ensure that the process of obtaining a driver’s license is streamlined, affordable, cost-efficient, and impenetrable by fixers,” dagdag dito.
Mgugunitang nagsagawa ng ocular inspection ang senador noong Abril 13 sa LTO si Tulfo matapos itong makatanggap ng sunud-sunod na mga reklamo tungkol sa diumano’y kurapsyon at katiwalian sa ahensya.
Sa kasalukuyan, lahat ng bagong driver’s license applicants ay kinakailangang mag-enroll sa LTO-accredit driving school sa halagang P5,000 pataas. Lahat ng bago at for renewal ng driver’s license applicants ay kinakailangang magbayad ng P500 fee para sa vision test.
Nababahala rin ang mambabatas sa mga ulat tungkol sa kakulangan ng mga plastic card para sa pag-imprenta ng driver’s license dahil sa nangyaring rebidding kaya ang kasalukuyang driver’s license ay nakaimprenta sa papel.
Binigyan-diin ni Tulfo ang pangangailangang imbestigahan ang mga insidenteng nakapaligid sa bidding ng nasabing mga plastic card gayundin ang mga plaka para maiwasan na maulit ang nasabing problema.
Nais ding imbestigahan ng senador ang mga isyu sa proseso ng pagpaparehistro ng mga motor, partikular na ang requirement ng Compulsory Third-Party Liability (CTPL) insurance na mandatory requirement para sa lahat ng may-ari ng motor vehicle sa Pilipinas.
