P5M multa at kulong vs hackers, cyber criminals iginiit ni Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na patawan ng pagkakakulong at pagmultahin ng aabot sa P5 milyon ang mga cyber criminals na tinatarget ang mga virtual o electronic wallet at iba pa na ginagamit para sa digital na serbisyong pinansyal.

Sa Senate Bill No. 2171, o ang panukalang  Bank Accounts, Electronic Wallets, and Other Financial Accounts Regulation Act, nais ni Estrada na palakasin at bigyan ng kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno at mga financial regulators para labanan ang cybercrime scheme at mabigyan ang mga consumers ng epektibong paraan para masolusyunan ang kanilang mga reklamo.

“Kung may kakayahan ang mga kinauukulan na matunton ang mga nasa likod ng mga hacking o unauthorized transactions, scamming at iba pang modus gamit ang internet o sa pamamagitan ng mobile banking, dapat may kaukulang parusa na pagkakakulong at mabigat na multa na kakaharapin sila,” sabi ni Estrada.

“At kung ayaw natin na mawalan ng kumpiyansya ang publiko sa mga digital transactions, dapat may kasiguraduhan na maibabalik ang mga perang pinaghirapan nila na nawalang parang bula,” giit nito.

Nais ng mambabatas na ideklara sa kanyang panukalang batas ang pagkakasangkot sa malalaking krimen o ang paggamit ng mass mailer bilang isang economic sabotage at karumal-dumal na krimen, na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang  mula P1 milyon hanggang P5 milyon.

Ang krimen ay ituturing na ginawa ng isang sindikato kung ito ay binubuo ng tatlo o higit pang tao na nagsabwatan, samantalang  ang itinuturing na large scale ay ang pambibiktima sa tatlo o higit pang indibidwal o bilang isang grupo.

Sa kanyang panukalang batas, nais din ni Estrada na ipagbawal ang mga money mule, social engineering schemes at mga gawain na nagtutulak sa pagsasagawa ng mga nabanggit na krimen.

Itinuturing na money mule ang paglilipat ng pera na iligal na nakuha mula sa e-wallet ng ibang tao o iba pang financial account, habang ang social engineering scheme tulad ng phishing ay panlilinlang sa pamamagitan ng pagkakamali sa security features o pagbibigay ng sensitibong impormasyon ng account holder.

Ang mga nahatulang guilty sa money mule ay papatawan ng pagkakakulong na prison correccional o multang nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P200,000.

Ang mga gumawa naman ng social engineering scheme ay paparusahan ng prison mayor o multang P200,000 hanggang P500,000.

Kung ang target o biktima ng social engineering scheme ay isang senior citizen noong nagawa o tinangka ang krimen, ang pinakamataas na parusa o habambuhay na pagkakakulong ang dapat ipataw.

“May pangangailangan na proteksyon ang publiko laban sa mga cyber criminals at criminal syndicates na tina-target ang financial accounts, e-wallets at iba pang financial accounts o nang-aakit sa may hawak ng account na gumawa ng mga mapanlinlang na gawain,” sabi ni Estrada.

“Kailangan nating bigyan ang financial consumers ng epektibong paraan para malutas ang kanilang mga reklamo, gawin mas magaan, transparent at magbigay ng mas mabilis na solusyon na makakabuti sa kanila,” dagdag pa nito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s