
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagsasabing nasa tamang landas ang gobyerno at inulit ang kanyang pangako sa pagsuporta sa mga programang naglalayong iangat ang mahihirap sa buong bansa.
“After almost one year or about ten months po ng administration, so far, so good naman po. Nasa right direction naman po ang ating administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. I’m here to support kung ano po ang makakatulong para sa mga mahihirap,” sabi ni Go sa ambush interview matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Health on mental.
“So far, so good naman po. We are doing well naman po sa ngayon. As one of the 24 senators, susuportahan ko po ang mga programa at panukala na makakatulong po sa ating mga kababayan. Susuportahan ko po ang mga inisyatibo para mailapit natin ang serbisyo sa mahahirap. ‘Yun naman ang aking layunin as a senator,” dagdag pa nito.
Binigyan-diin ni Go ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan at idiniin na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat laging unahin ang interes ng mga taong higit na nangangailangan ng atensyon ng gobyerno.
Idinagdag pa ng senador na ang mga pampublikong tagapaglingkod ay dapat magtrabaho tungo sa pagbibigay ng mga Pilipino ng mas mahusay na access sa mga public services, tulad ng pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at mga oportunidad sa trabaho.
“Ilapit po natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan. Hindi na po sila dapat kailangan pang lumapit sa atin… Hindi ko matiis na nakaupo lang dito sa ating opisina. Gusto ko talagang matulungan ang mahihirap nating kababayan. ‘Yun po ang aking panawagan. Mailapit po natin ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan,” giit pa nito.
Samantala, sinabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, na suportado nito ang mga priority measures ng Pangulo tulad ng pagtatatag ng mas maraming specialty centers sa buong bansa.
Nauna nang inihain ni Go ang Senate Bill No. 1321, o ang panukalang “Specialty Centers in Every Region Act of 2022”, na naglalayong magtatag ng mga specialty centers sa mga piling Department of Health-hospital sa buong Pilipinas.
Ang mga sentrong ito ay inaasahang magbibigay ng mga serbisyo, tulad ng mental health, cardiology, renal, neonatal, at cancer, at iba pa.
“Dagdagan natin ang ating mga specialty center… kasama na to address mental health. About more than 20 ang plano ngayon ng DOH all over the country na ilalagay po itong mga specialty center para (makatulong) sa mental health problems. So, suportado ko po ito dahil napakalawak po ng Pilipinas,” paliwanag pa ni Go.