
Ni NOEL ABUEL
Nasa tamang landas ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at patunay nito na naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang hindi bababa sa 29 sa 42 na panukalang batas na bumubuo sa legislative agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez kahit may nangyaring balasahan sa liderato ng Kamara kung saan tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ng mga mambabatas.
Aniya, kabilang sa mga panukalang ipinasa ng Kamara ang hakbang na kinukunsinti ang mga utang ng mga agrarian reform beneficiaries, ang paglikha ng mga specialty centers sa mga probinsya na katulad ng Lung and Heart Centers sa Metro Manila, at ang Magna Carta bill na naglalayong protektahan ang mga karapatan at itaguyod ang kapakanan ng mga Barangay Health Workers at mga seafarers.
“There is still much work to do, so occasional moves to destabilize the House should be nipped in the bud. The House cannot be distracted from finding legislative solutions to issues that affect the lives of ordinary Filipinos,” sabi ni Romualdez.
“Rather than engaging in politicking, I would rather that we, in the House of Representatives, remain focused on more urgent matters,” dagdag nito.
Aniya, ang Uniteam, na palaging bahagi ng liderato sa Kamara ay dapat na patuloy na tumutok sa paghahanap ng agarang solusyon sa mga problema ng ordinaryong Pilipino.
Mas pinipili umano ng Kamara ang paghahanap ng solusyon sa problema sa mababang supply ng kuryente at mataas na singil nito, ang isyu ng mga telcos at presyo ng mga produktong pagkain sa halip na ang usapin ng political destabilization.
“Ang mga tunay na problema ng karaniwang Pilipino ang dapat nating unahin, ang dapat nating paglaanan ng atensiyon. Isantabi na po ang pamumulitika na wala sa tamang panahon. Kung mas mapagtutuunan natin nang mas maraming oras ang paghahanap ng solusyon sa mga tunay na suliranin ng karaniwang Pilipino, sama-sama tayong babangon muli,” paliwanag pa ni Romualdez.