
Ni NOEL ABUEL
Personal na sinalubong ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang walong (8) repatriated overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Riyadh, Saudi Arabia na nakauwi na noong Hunyo 5, 2023 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Kasabay nito, pinakikilos ni Magsino ang Department of Migrant Workers (DMW) para imbestigahan ang sinapit ng mga OFWs na na-terminate ang kontrata at papanagutin ang mga responsable dito.
Nabatid na ang 8 OFWs ay nagtrabaho bilang mga cleaners sa Riyadh sa loob ng 1 at kalahating taon.
Noong Nobyembre 2022, ilegal na tinapos ng kanilang kumpanya ang kanilang mga kontrata nang walang paunang abiso.
Ang mga OFWs ay na-stranded sa loob ng anim (6) na buwan sa Riyadh sa isang company-provided shelter, ngunit wala silang kita para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, kabilang ang pagkain.
Humingi ng tulong ang nasabing mga OFWs sa OFW party list para makabalik na ng Pilipinas.
Agad namang kumilos si Magsino at upang mapadali ang pagpapauwi sa mga stranded na OFWs ay nakipag-ugnayan ito sa Department of Migrant Workers (DMW), Migrant Workers Office (MWO) sa Riyadh, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maibalik ang mga OFWs sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
“It is unacceptable that our OFWs were not only wrongly terminated, but were also left to fend for themselves while stranded for 6 months. We should pursue appropriate legal actions or administrative sanctions against the recruitment agency here in the Philippines that disregarded the welfare of our kababayans,” giit ni Magsino.
“They have a responsibility to look after the welfare of the workers they send abroad. Also, the erring foreign company must no longer be allowed to hire Filipino workers lest a similar incident occur,” dagdag pa ng kongresista.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 93 OFWs ang nakatanggap ng repatriation assistance ng OFW party list simula Hulyo 2022.
Kabilang dito ang pagpapauwi ng tatlumpu’t limang (35) mangingisda noong Marso 15 hanggang Marso 19, 2023 mula sa Namibia na biktima ng human trafficking at ang pagpapauwi sa isang terminally-ill OFW mula sa Bahrain noong Pebrero 24, 2023.
