
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party list Rep. France Castro na imbestigahan ang ibinigay na bigas sa mga guro na hindi na makain at nabubulok na.
Ayon sa kongresista, ang nasabing bigas ay minsanan na lang ibinigay na rice allowance ng pamahalaan para sa lahat ng guro sa pampublikong paaralan ay hindi katanggap-tanggap.
“Extremely late na nga ang pagbibigay ng rice allowance na ito ay halos bulok na at di makain ‘yung ipinamigay sa mga guro. Nakakainsulto naman ito sa mga kaguruan at bakit ganito ang nangyayari?,” tanong pa ni Castro.
“We have received reports and complaints that the rice given in Nueva Ecija, Mindoro,Bacolod City at Zamboanga del Norte are inedible while the provisions for the rest of the regions have yet to be released,” aniya pa.
Sinabi ni Castro na labis na nadismaya ang mga guro sa mababang kalidad na bigas na ibinigay sa mga ito na mabaho at maiitim ang kulay.
“Lubhang nadismaya ang mga guro sa napakababang kalidad ng bigas na kanilang natanggap dahil halos hindi ito makain. Manilaw-nilaw at may amoy ang bigas na natanggap sa Mindoro. Maitim at parang nabubulok na ang natanggap sa Nueva Ecija. Binubukbok na rin ang bigas na natanggap sa Bacolod City kung kaya ipinatuka na lamang ito ng ilang guro sa mga manok,” sabi naman ni Vladimer Quetua, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Nabatid na ang mga guro ng pampublikong paaralan ay may karapatan sa isang beses na 25 kilong rice allowance na ipinagkaloob ng pamahalaan sa lahat ng empleyado ng gobyerno ayon sa Administrative Order No. 2, s. 2022, na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Disyembre 16, 2022, ngunit nananatiling hindi natatanggap sa karamihan ng mga rehiyon hanggang ngayon.
“The rice allowance should have been distributed last year but it is already June 2023 and still the rice allowance are not fully distributed. Sa ilang mga rehiyon, pinapirma na ang mga guro sa acknowledgement receipt kahit hindi pa naibibigay ang bigas” ayon pa sa Deputy Minority leader.
Sinabi pa ni Quetua na gumastos ang pamahalaan ng halos P1.183 bilyon para sa rice assistance ng halos 1.83 milyon na kawani ng pamalahaan at pumapatak na P25 kada kilo ang presyo ng bigas na ito na hindi naman makain ng tao.
“Mukhang naghanap lamang ang gobyerno ng pagtatapunan ng mga nabubulok na bigas sa mga bodega ng National Food Authority,” sabi pa ni Quetua.
Sinabi pa ni Castro na nasayang lamang ang buwis ng mamamayan sa biniling bigas dahil sa maliban sa hindi ito makain ay nainsulto pa ang mga guro kung kaya’t dapat na imbestigahan ito ng Kongreso para may managot.
