Hustisya sa biktima ng rape-slay sa Bicol ipinangako ni Sen. Robin Padilla

Personal na nakiramay si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa pamilya ng biktima ng rape-slay sa lalawigan ng Camarines Norte. Makikita sa larawan sina Padilla, Gov. Dong Padilla, Vice Mayor Kuatro Padilla, at Philippine National Police Bicol regional director P/Brig. Gen. Westrimundo Obinque.

Ni NOEL ABUEL

Ipinangako ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla ang hustisya sa pamilya ng isang menor de edad na babaeng ginahasa at pinatay ng ilang kalalakihan sa bayan ng Jose Panganiban sa lalawigan ng Camarines Norte.

Nabatid na nagtungo si Padilla, kasama si Gov. Dong Padilla, sa tahanan ng pamilya ng biktima kung saan humingi ng tulong ang ina sa mambabatas na tulungang makamit ang hustisya.

“Sana, senador, mabigyan ng katarungan ang anak namin… kahit naghihirap kami pipilitin ko na mabigyan ng katarungan ang anak ko,” ayon sa ina ng biktima.

Ikinalungkot ni Padilla na hindi maipagtatanggol ng mga awtoridad ang mga kababaihan kung saan nangako ito na palalakasin nito ang mga nararapat na batas upang hindi na ito maulit pa.

“Kapag dumating ang panahon na ang kapurihan ng kababaihan ng isang bansa ay hindi na maipagtanggol ng mga kalalakihan, ang katapusan ng sambayanang ito ay maliwanag ng naaaninag. Ang kawalang silbi at katahimikan ng kalalakihan lalo ng mga nanunungkulan ay simbolo ng kahinaan. Isang huwad na moralidad na kailanman ay hindi kinatigan ng Ano mang banal na kasulatan,” ani Padilla.

“Ang batas at hustisya ng Panginoong Maylikha ay maliwanag at pantay pantay. Walang mayaman, walang mahirap,” dagdag nito.

Nitong nakaraang Linggo, tumungo si Padilla kasama si Gov. Dong Padilla, Vice Mayor Kuatro Padilla, at PNP Bicol regional director P/Brig. Gen. Westrimundo Obinque sa pamilya ng biktima sa Barangay Parang sa Jose Panganiban  para ipaabot ang kanilang pakikidalamhati.

Ayon naman kay Gov. Padilla, si Sen. Padilla ay nagulantang sa napabalitang karumal-dumal na krimen na naganap kamakailan na kinasangkutan ng mga menor de edad na kabataan.

Dagdag pa ng gobernador, tinalakay nila ang sitwasyon ng suliranin sa iligal na droga sa kadahilanang sinasabi na lango sa ipinagbabawal na gamot ang mga gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Nagtungo rin si Padilla sa puntod ng biktima para mag-alay ng dasal.

“Matindi ang pag-aalala natin maging si Senator Robin Padilla dahil hindi kilala ang ating lalawigan sa mga nakaririmarim na gawain tulad ng krimen na kinasangkutan ng mga kabataan. Isa lang po ang hangad namin ni Senator Robin sa ating mga kababayan, ang isang mapayapa at maginhawang buhay para sa Camarines Norte,” dagdag Gov. Padilla.

Leave a comment