
Ni NOEL ABUEL
Mariing tinuligsa ni Senador Raffy Tulfo ang hakbang ng gobyerno ng Kuwait laban sa mga na-deport na overseas Filipino workers (OFWs) at ang paghiling nito na mag-public apology ang gobyerno ng Pilipinas sa mga taga-Kuwait.
Kamakailan lang ay pina-deport ng gobyerno ng Kuwait ang nasa 350 Pilipinong manggagawa habang ang Kuwait at Pilipinas ay nasa ilalim pa lamang ng patakaran ukol sa pansamantalang deployment ban na ipinataw sa mga domestic helpers na masasabing kadalasang nakararanas ng abuso sa kamay ng kanilang dayuhang employer.
“We cannot come to the negotiating table on bended knees and folded arms. Imbes na masunod ang mga gusto nating terms at conditions, kabilang na ang apology from the Kuwaiti government, binabaliktad pa nila tayo,” saad ni Tulfo.
Dismayado ang senador sa aksyon ng Kuwait government na tila hindi binigyang pansin ang kanyang suhestiyon noong Senate hearing ukol sa pagpatatay sa domestic helper na si Jullebee Ranara.
Sa nasabing hearing, matatandaan na iminungkahi ni Tulfo na protektahan ang karapatan ng OFWs sa pamamagitan ng mandatory pre- engagement seminars, background checks and psychological and medical exams para sa employers ng mga domestic workers.
Binigyang diin din ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Migrants Workers, na ang Pilipinas ay hindi dapat mawalan ng karapatan na protektahan ang mga mamamayan nito dahil ang karahasan at abuso ay nangyari sa bansang Kuwait.
“Kadalasan, ang biktimang OFW ay napipilitang pumunta sa ating embahada upang paniguraduhin na hindi sila mapasailalim sa biased na proseso sa paghahabol ng hustisya. Madalas din, kapag pumunta sa pulis ang biktimang OFW, sila ay sinosoli sa kanilang amo kung saan sila ay nababaliktad at nakakasuhan ng pekeng kaso tulad ng pagnanakaw at nakukulong dahil mas pinaniniwalaan ng opisyal ng Kuwait ang kanilang mga kababayan.
“Ang ending nito ay makukulong pa kaysa makakauwi ang ating mga OFW sapagkat wala silang kakayahang lumaban mag-isa laban sa Kuwaiti nationals na pinapaboran ng kanilang batas doon,” ani Tulfo.
Ipinunto rin ni Tulfo ang tungkol sa pagbibigay ng kanlungan para sa mga OFW na nakararanas ng dalamhating dulot ng kanilang mga mapait na pinagdaanan.
Aniya, maraming mga biktima ang natutulog na lamang sa kalsada sapagkat ang embahadang kukupkop sana sa kanila ay kasalukuyang puno na ang kapasidad.
Sinabi rin ng senador na ang pag-upa at pagpapanatili ng mga ari-arian na magsisilbing kanlungan ng mga OFW ay hindi lumalabag sa anumang kasunduan sa usaping bilateral agreement, o contractual obligation sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas.
“Kailangan ng mga biktimang Pilipino ng shelter habang sila ay naghahanda para makauwi o para makapag-file ng kani-kanilang kaso. Tandaan natin na ang mga OFW sa shelter ay naabuso at biniktima ng kanilang mga amo. We cannot expect them to stay in the house of the person who committed crimes against them nor seek help alone from a forum that is notoriously in favor of the abuser,” paliwanag pa nito.
Upang matugunan pa ang negosasyon, nakipag-unayan na si Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) upang makabuo ng grupong tatalakay sa negosasyong may kaugnayan sa Joint Committee on Migrant Workers.
“Dahil sa twenty years of experience ko sa pagtutulong sa mga OFW, tingin ko mayroon din akong bagong madadala sa negotiating table upang mabuksan ang employment ng domestic workers sa Kuwait.
Pero hindi ako papayag na may mamatay ulit na Pilipinong naghahanap buhay dahil masyado ng maraming kababayan natin ang umuuwing nakakabaong. Kung gaano sila kahigpit sa ating mga OFW, dapat tayo din ay maging mahigpit sa mga employers,” ayon pa sa senador.
Sa kasalukuyan, bukas si Tulfo sa pakikipag ugnayan sa DMW at DFA upang masigasig na lumahok sa usaping makabubuti sa pre-engagement protocols para sa mga OFW.
Gayundin ang pagkakaroon ng pakikipag unayan sa mga departamento upang magkaroon ng draft legislation na makatutulong siguraduhin ang kanilang kaligtasan at pagtibayin ang kanilang mga karapatan.
Sa ngayon, binibigyang puwang ang paglipat ng mga OFWs patungo sa mga bansa na matitiyak ang kanilang kaligtasan katulad ng Guam, Hungary, Austria, Oman, UAE, Jordan.
Ayon pa kay Tulfo, ang mga Pilipino ay hinahangaan ng mga employers sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa hindi matatawarang katangian at kanilang kalidad tulad ng abilidad na makapagsalita at makaintindi sa wikang Ingles gayundin ang kanilang pagiging kapitagan at masigasig.
