General Alejo Santos Highway sa Angat, Bulacan isinaayos na ng DPWH

Ni NERIO AGUAS

Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasaayos ng proyekto sa kahabaan ng Angat section ng General Alejo Santos Highway na magsisiguro ng mas ligtas at mas maginhawang paglalakbay ng mga motorists sa lalawigan ng Bulacan.

Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, na base sa ulat mula kay DPWH Regional Office 3 Director Roseller A. Tolentino, ng DPWH Bulacan Second District Engineering Office (DEO) ay nag-upgrade ng kabuuang 1.06 kilometro ng General Alejo Santos Highway sa pamamagitan ng P15.14 million asset preservation at preventive maintenance project.

Ayon pa kay Bonoan, kasama sa 2023 General Appropriations Act (GAA)-funded repair works ang reblocking ng nasirang kongkreto at ang paglalagay ng thermoplastic pavement markings upang mapahusay ang kaligtasan sa kalsada sa kahabaan ng highway.

At sa pagtatapos ng proyekto, ang mga gumagamit ng kalsada ay maaari na ngayong makaranas ng pinabuting paglalakbay sa kahabaan ng General Alejo Santos Highway papunta at mula sa bayan ng Angat.

Ang General Alejo Santos Highway na nagkokonekta sa mga bayan ng Plaridel, Bustos, Angat, Norzagaray, at Santa Maria ay may kabuuang lawak na 29.8 kilometro, 13.66 kilometro nito ay nasa hurisdiksyon at responsibilidad ng DPWH Bulacan Second DEO.

Leave a comment