

Ni JOY MADALEINE
Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibiduwal na sasailalim sa libreng skills training ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC).
Nabatid na ang bagong batch ng trainees, ay binubuo ng 570 indibiduwal kabilang ang mga out-of-school youth, solo parents, at persons with disability (PWDs) na pinanumpa ng Caloocan City LGU para sa libreng pagsasanay.
Ang nasabing mga trainees ay dumalo rin sa isang maikling oryentasyon para sa kani-kanilang mga programa na kinabibilangan ng housekeeping, culinary, at massage therapy, at iba pa.
Ipinahayag ni Caloocan Mayor Along Malapitan ang kanyang suporta sa mga nagsasanay at kinilala rin ang kanilang dedikasyon sa paghasa ng kanilang kakayahan sa pamamagitan ng libreng skills training program ng lungsod.