
Naging madamdamin ang pilot episode ng Cayetano in Action with Boy Abunda o CIA with BA, ang pinakabagong public service program ng GMA 7 kasama ang mga beteranong mambabatas na sina Senador Alan Peter at Senador Pia Cayetano, at pati ang pambansang King of Talk na si Boy Abunda.
Sa unang episode nito noong February 5, 2023, tinalakay sa programa ang alitan ng mga magkakamag-anak kung saan pinaghihinalaan ng isang babae ang kanyang asawa ng pakikiapid sa kanilang pamangkin nilang babae. Sinamahan pa ito ng akusasyon na pineperahan ng pamangkin ang kanyang tiyuhin.
Buwelta ng lalaki, walang nangyayari sa pagitan nila ng kanyang babaeng pamangkin, at hindi siya namimigay ng pera sa kanya kundi pinapautang lang daw niya ito.
Nakisimpatiya si Senador Pia sa mga babaeng sangkot sa alitan, at pinaalalahanan nito ang lalaki na dapat mas intindihin ang mga damdamin ng kanyang asawa at ng sarili nitong pamilya.
Dagdag pa ng senadora, maaaring nanggagaling ang mga pagdududa ng asawang babae sa nakaraang mga pangyayari na nagdulot ng takot o insecurity sa kanya.
“Kaya ninyo po bang intindihin na kaya ganyan ang asawa ninyo ay dahil nakaramdam na siya na nasaktan siya dati, kaya kapag nalaman niya na may binibigyan kayo ng pera nang patago sa kanya, mapapaisip siya na ‘Naku, baka nangyayari na naman,’” aniya.
Samantala, pinayuhan naman ni Senador Alan ang magkabilang panig na magpatawaran, ngunit mangyayari lamang daw ito kung ang lahat ng sangkot sa alitan ay umamin sa kanilang mga pagkukulang at magsikap na makabawi sa mga ito.
“Madaling magbati na temporarily lang, pero talagang ‘yung resolution kasama rin diyan ang repentance. Ang asawa kung tingin niya guilty ka talaga, hindi ka niya mapapatawad nang hindi mo inaamin in public, kasi napahiya na rin siya dahil sa ‘yo e,” aniya.
“It is only the truth that will settle this, but we are grateful that they shared their lives with us,” dagdag nito.
Matapos mamagitan ang CIA with BA sa nag-aalitang magkaanak, isang amicable settlement ang pinirmahan nila sa harap ng Lupong Tagapamayapa ng kanilang barangay sa Lower Bicutan, Taguig.
Ang dalawang panig ay kusang-loob na nagkasundong ayusin ang kanilang alitan at nangakong tutupad ng buong katapatan sa kanilang mga napag-usapan.
Ito ang kauna-unahang paglabas nina Senador Alan Peter at Senador Pia bilang mga on-air legal advisers. Sa mga susunod na episode – na pinapalabas kada Linggo, 11:30 p.m. sa GMA 7 – matututunan pa ng mga manonood ang mga batas ng bansa at paano ito nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Itinutuloy ng magkapatid na senador ang legacy ng kanilang yumaong tatay at original Compañero na si Senador Rene Cayetano.
Matatandaang pinangunahan at naging co-host ang nakatatandang Cayetano ng popular na legal advice program Compañero y Compañera sa radyo at telebisyon mula 1994 hanggang 2001.